News‎ > ‎

Pagtatapos 2012!

posted Jun 25, 2012, 6:02 AM by Cherilyn Mata

Matagumpay na naidaos ng Mababang Paaralan ng E. Bernabe sa pamumuno ng ating ipinagmamalaking punongguro na si G. Alejandro I. Icban na ginanap noong ika-29 ng Marso, 2012 na may temang “Ang alay ninyong kaalaman gamit naming sa pag-unlad ng bayan”. Inanyayahan si Gng. Rotessa V. Alipio bilang panauhing pandangal upang magbigay inspirasyon sa mga batang nagsipagtapos. Dahil tulad ng mga taong nagtagumpay sa kabila ng kahirapan, siya rin ay nagpursigi at nagsikap upang maabot ang kanyang mga pangarap.

Ang ating World Class Mayor na si Kgg. Jose Enrique S. Garcia III, ang Tagamasid Pampurok ng Ikalawang Distrito na si Gng. Jeanette L. Andales, ang punong-barangay ng Dangcol na si Kgg. Romeo A. Austria at mga kagawad, at ang mga punongguro ng iba’t-ibang paaralan ay naglaan ng kanilang oras upang masaksihan ang pagdriwang na kinahihintay ng lahat. Puno ng kagalakan ang mga magulang dahil sa loob ng anim na taong pagsasakripisyo at pagsusuporta sa kanilang mga anak ay natanggap na rin nila ang kanilang kinamimithi…ang DIPLOMA.

Bakas sa kanilang mga mukha ang kasiyahan lalo na nang tawagin ang mga batang nagkamit ng karangalan. Lumuha sa galak ang mga magulang ng mga batang nagkamit ng una at ikalawang karangalan nang sila ay bigyan ng parangal bilang Dakila Ka Itay, Dakila Ka Inay.

Bumuhos ang emosyon ng magsalita si Ellamay M. Malabanan, ang batang nagkamit ng unang karangalan. Siya ay nagbigay pasasalamat sa mga taong nasa likod ng kanyang tagumpay. Inialay niya ito sa Panginoon, sa kanyang mga magulang, mga guro at higit sa lahat sa kanyang lolo at lola na nag-aruga sa kanya. Naging madamdamin din ang pag-awit ng mga batang nagsipagtapos lalo na ng awitin ni Lymelyn Alvero, bata sa ikaapat na baitang ang “Marami pong Salamat Nanay”. Lahat ng mga nanood ay naantig at naiyak sa tagpong iyon.

Ang araw ng pagtatapos ay alay sa bawat magulang na nagbigay inspirasyon, kalinga, gabay at suporta sa mga batang nagsipagtapos. Tunay kang dakila Itay at Inay!     

Maligayang Pagtatapos sa inyong lahat…..

 

Comments